9.01.2004

Poot

nang mga gabing
poot lamang
ang laman ng dibdib
at katwiran ang pulbura
ng mga hakbang,
iisa lamang
ang aking pinaniwalaan:
ang mga wika ng mga makatang
alak ang tanging kaibigan.

8.31.2004

Elehiya sa Dalagang Naglako ng Aliw sa Ibang Bayan

hindi,
hindi heringgilya,
kalaswaan o anupaman
ang nagdulot sa iyo ng kamatayan,
kundi isang kawan ng bandidong
noon pa ma’y umaaligid na
sa ating mga nananahan sa karimlan:

inagawan ka ng kabuhayan
kaya’t nagpasya kang mangibang bayan;
ninakawan ka ng katwiran,
kaya’t inakala mo na sa kabaliwan
ay matatagpuan mo ang katinuan;
hinablutan ka ng pag-asa,
kaya’t natagpuan mong pahinga
ang hinukay na libingan
ng isang manhid
at malupit na lipunan.

Elehiya kay Eman


tumangis ang buwan,
nagmakaawa ang mga kuliglig
na huwag kang lumisan
patungong kasukalan,
pagkat ang mga ulupong, eman,
ay mga hari, mga diyoses
ng lupaing lunti,
nakaambang akitin
at lansiin
ang mga nawalay
na manlalakbay
tulad natin.

8.23.2004

Sa Ating Panahon

ngunit manhid
ang ating panahon:
manhid sa mga
makatang pala-ibig,
sa mga naniniwalang
mayroong rosas
sa araw ng pagdurusa
at pagkukunyari
sa bawat ngiti.

Hinanakit ng Mangingibig sa Nawalay na Kabiyak

maiinit ang ating mga labi noong ating kabataan
nang tinangka nating galugarin
ang mga ginto’t perlas ng nawalay na karagatan,
at doon nga’y ating natagpuan
ang mga mumunting ngiti,
impit na iyak at ligayang sumambulat

nawalay ka sa akin

ibig mong mamalas ang higit na luningning
ng mga ginto’t perlas sa kabilang ibayo
habang ang isang paslit,
ay nagmakaawang huwag kang lumisan;
pagkat higit daw ang hapdi ng kawalan,
higit ang galit na hatid ng mga digmaan,
at higit, oo, higit sa kamatayan
ang pagpapasyang siya’y iwanan,
isinantabi ng mga ilusyon,
mga pangitai’t mga pangarap.

Pagninilay

habang ipinangangalandakan ang katawang
ninakawan ng mga saplot at palamuti,
habang ito’y nakaadyang maghasik ng libog
sa mga bayag na nagmumuni-muni;
habang kaakibat ang mga magagarbong piging
ng mga nagkalat ng barya’t salapi
upang kapangayariha’y ipagbunyi:

hindi namin nais masdan ang mga panginorin;
batid naming handa nilang lunurin
kaming mga alipin sa mga tapayan ng alak
upang kanilang ibaon ang aming hangaring
isang araw ang luklukan ng hari ay aming agawin,
upang sa gayo’y kami naman ang magsaliwalat:
amin ang kapangyarihang payukurin ang mga api!
amin ang kasakimang sunggabin ang mga puta!
amin ang karangyaang umakit sa mga tanga!
at sa amin na ang palasyong pinagkukutaan
ng mga pinabangong pirata!

8.17.2004

Usal

o dakilang pantas ng utrecht,
hangad namin ang iyong pangaral,
kaming mga nalilito sa moro-moro
ng mga tagalungsod at kabilang-ibayo;
paglinawin mo ang aming isipan
at buhayin ang nahihimlay
na kamalayan;
pagkat dapat kami’y maghanda
sa puspusang pakikibaka,
kaming mga tau-tauhan
sa natatanging pagtatanghal
ng aming sinawing bayan.

Dalit

kaming mga nakayukod,
naninikluhod at sumusunod,
nakapikit na umaawit
ay nagsusumamo
sa patpating kristong
krus ang tahanan:
laanan ninyo kami
ng mga kaluluwang
mapanghimagsik
upang gibain namin
ang dantaong kahariang
binunga’y mga unos
at kadiliman.

8.16.2004

Sambit ng Manggagawa

sambit ng manggagawa matapos
ang isang patimpalak ng kagandahan

hindi kami naghinanakit
nang malimutan
kaming banggitin
ng inyong maririkit
na musa,
pagkat alam naming
kami’y mga basahan
na pinagpahiran lamang
ng inyong
paa’t bota.

Elehiya Kay Pablo Neruda

banggit mo pablo’y hindi na kayo
mamamasyal sa mga dalampasigang
pinamugaran ng mga pangitaing
dumurog sa mga kalamna’t kasakiman
ng manhid na kasukalan:

silang nilisan ang katinuan,
natuwang kahit minsa’y nayakap
ang mga alay at sumpa ng mga hari
sa mundong sinawi,
pinagkanulo’t itinakwil
ng mga paslit na ibig maghari
sa payapang dilim at mapusok na apoy;

pagkat pablo, tayo’y tila mga alipin
ng mundong naghihingalo’t nagdurusa -
habang ang mga makata’t baliw
ay pinangagsiapoy sa lunting kasukalan:

pagkat ang mga balbuning uwak
ay sinumpang manginain lamang
ng mga dila ng makasining,
ang mga pandaigdigang diyoses,
na nagsilid ng tag-araw
sa kahon ng poot at katwiran,
ay nagpasyang ihasik ang punla
ng kamangmangan sa mga aliping
ipiniit sa kulungan ng mga pigura’t numero,
ng mga malalantik at magagarbong pagtitipon
sa landas ng pagsang-ayon.

8.15.2004

Dalamhati

para sa aking lolo

bumunghalit
ng tawa
ang mga ibon

muli, pagluluksa
sa alaalang
iniwan

ang tahanang
itinirik
ngayo’y mistulang
simbahan
na paminsan-minsang
dalawin
ng mga aandap-andap
na penitente;
akala mo’y pulubi
kung nangangailangan,
ngunit ibig nila’y
mga monarko
kung turingan.

Alaala

para kay rocky, saan man siya naroon

at nagsimula na nga ang batingaw
ng mga kampanilya
sa dakong nais kong marating
nagsusumamo, naninikluhod
upang kahit papaano, sa anumang paraan
ay makasalamuha ang mga mukhang
napinid sa mga dahon ng gunita,
mga impit na iyak na nais nating
gawan ng hukay, paslangin ang mga
alaalang tanikala sa ating mga paa,
ibaon sa huling hantungan,
(ngunit pinili nating manatiling
alipin sa udyok ng alaala);
nang sa gayon ay mapakinggang muli
ang huni ng mga ibon, ang yabag ng mga paa
papalapit sa kagubatang nilikha
ng mga mangingibig sa pangarap;
upang sa gayon ay huwag malugmok
sa mga bintanang ikinubli ang liwanag,
at kinitil ang buhay nilang mahilig
sa mga walang katuturang (wala nga ba?)
pag-ibig;

maari, oo, maaring magsawalang-kibo
maging manhid sa mga
pagsusumamo, paninikluhod
hanggang lumipas ang mga huni't yabag
at makapiling ang katahimikan,
ang walang kinakaibigang katahimikan.