9.29.2005

Panangis

para kay kasamang tess

Ngunit noon ko lamang nalaman
Na may mga balong tunay na lumuha
Para sa mga kabiyak na nagpasyang galugarin
Ang kasukalan ng gabing pinamanhid
Sa mga pahatid na paalam

Noon ko lamang natalos na ang awit
Ay balaraw na bumabaon sa laman
Tumatagos hanggang buto
Upang gumising sa mga nahihimbing
Sa saliw ng mapanlinlang na dilim
Noon ko lamang natanto
Na sa bawat kabiyak na naglaho
Ay isang punyal na alaala
Ang hatid sa dilim
Na sa bawat balong tumatangis
Ay isang ulilang paslit
Ang tatangan ng riple’t bayoneta
Sa poot na ipinangangalandakan
Ng ating panahon

8.10.2005

Talata kay Maria

Para sa Isang Babae sa Kalye Magsaysay

Hindi ko akalaing nakaya mong tahakin
Ang landas dito sa kasukalan ng lungsod
Pagkat sa isang katulad mong sinawi
Itong katulad na paglalakbay ay
Matagal ng nawalan ng saysay

Naging mapangahas ka
At ang munting panaho’y sinamantala
Upang harapin ang kadilimang bumabalot
Sa gabing pinagharian ng poot
At mula sa iyong natitirang lakas
Ay giniba mo ang moog
Na kailan lang ay iyong piitan

Higit na mapalad ka sa akin
Dahil kahit nasa akin ang lakas
Na basagin ang mundo kong
Tulad mo’y nagsilbing kulungan
Ni kailanaman Maria
Hindi ako nagpumiglas

8.04.2005

Rebolusyon, Pag-ibig at Himagsik

Sampung patak ng ulan
Ang bumasag sa solitaryong adobe
Tatlong butil ng palay
Ang nagpaliyab ng kabukiran
At ang isang kalabaw
Ang nanuwag ng pirata

Ang unang ambon ng tagtuyot
Ang along nakipagpaligsahan
Sa buhanginang dalampasigan
Ang huni ng ibong pipit
At ang langay-langayang umaawit
Sa luntiang kagubatan

Ang pag-aaruga ng ina
Sa isinilang na paslit
Ang pag-iibigan ng magkasintahang
Iisa ang kalooban
Ang paghahanap ng kapatid
Sa kanyang kadugong nawalay
Ang pakikibahagi ng uri
Sa kapwa niya kauri

8.01.2005

Agam-agam Sa Panahon Ng Digma

Karimlan ng gabing mapanglaw
At ako’y manhid na sa ingay ng goma’t motor,
Habang naiidlip sa aking piitan:
Pagkat kalooban ko’y ninakaw,
Bayag ko’y hinablot,
At dila’y tinabas
Ng mga trahedyang ikinamatay

Ngunit bakit ayaw kong
Matulog mag-isa,
Ayaw kong isiping
Ang mundo’y nawalan na ng saysay,
At nawala na ang pangakong liwanag
Sa dulo ng mga sibat

At walang gabing hindi ka man lang
Sumaglit sa isipan,
Ikaw na bahagi ng aking minsanang digmaang
Pinagtagumpayan ng mga diablong
Tanging hatid ay kapahamakan

Sa gitna ng mga naunsyaming kilusan
At mga pinatibay na kabaliwan
Ay halakhak ng kamatayan
Ang uyayi ni ina sa dalampasigan.

7.22.2005

Pagod Na Akong Makarinig

Pagod na akong makarinig
Ng mga inilalakong
Kasinungalingan
Ng mga ilustradong
Taliwas ang isipan
At ng mga hambog
Na nag-aastang makabayan.

Ang aming bayan
Ay tigib daw sa mga kababalaghang
Gawa ng mga diyos at diyosa,
Upang sambayanan
Ay bumalikwas sa pagkakasala,
Anang mga pari’t pantas
Na nagpapayo’t nagsusumamo
Habang nakahilata
Sa mga matatayog na tore
Ng mga simbaha’t palasyo.

7.19.2005

Ang Magbubukid Na Dumalaw Sa Syudad

Sumayad ang katawa’t mukha mo
Sa kamanhiran ng daang aspalto,
Habang hila ka ng mga magsasakang
Tinutugis ng tinggang idinuwal
Ng mga nagliliyab na bungangang metal

Patawarin mo ang kanilang pagkabalisa
Hindi nila alam ang nararapat gawin
Silang magsasakang pinag-aadyaang baklasin
Sa lansangan ng makaturangang poot
At naghuhumiyaw na katwiran

7.18.2005

Umalingasaw ang amoy ng gasolina

Umalingasaw ang amoy ng gasolina
Mula sa pagal na makina ng tumandang motorsiklo
Naidlip ang dyipni kaulayaw ang mapanghing lata
Ng nawalay na basura
Patay na ulupong ang kaputol na hos
Nakahilata sa putikang buhangin

Isang oras na lamang ang malalabi
Bago sumapit ang hatinggabi ng pagkaguho
Ng mga nalalabi kong pangarap
Nais kong wasakin ang kalasag ng kapangyarihang itim
At ang malignong pumailanlang sa kadiliman
Ngunit winasak ako ng karimlan ng lansangan
At ng bumabalot na dilim sa kanayunan

Nais kong sumigaw upang marinig ng mga kaaway
Nang sa ganoon ako’y lurayin ng libong halimaw
Nang ganap na magising at mata’y mamulat
Sa bangungot ng digmaan ng mga pumalaot na pagkatig

6.28.2005

O Katimugang Krus

O katimugang krus, o bulaklak ng umaalingasaw na asupre,
Apat na halik na nanuot sa iyong kagandahan
Na bumagtas sa aking sombrero’t mga anino:
Pumaimbulog ang buwan tungo sa lamig.

Pagkatapos, kasama ng aking irog, at aking iniibig,
Oh diamante ng bughaw na niyebe, katahimikan ng langit,
Salamin, umusbong ka, at pinuno ng gabi
Ang iyong apat na sisidlan ng nanginginig na alak.

O pumipintig na isdang pilak, dalisay at makinis,
Ginintuang krus, halaman ng kumikinang na anino
Isang bulateng Ipinako sa pagkakaisa ng langit,

Magpahinga ka, ipikit natin ang mga mata, iyo at akin,
Kahit ngayo’y limutin natin ang kadiliman ng tao.
Pagyabungin mo sa akin ang iyong naglupong apat na bilang.

6.27.2005

Bumalik ang mga araw ng Marso kaakibat ang dilim

Bumalik ang mga araw ng Marso kaakibat ang dilim,
At lumalangoy ang mga balyena sa langit,
Patagong umalingasaw ang alimuom
Paisa-isang nangagsiwala ang mga bagay

Dahil sa kapalaran, sa kapahamakan
Ay Pinag-isa mo ang buhay ng dagat at apoy,
Pinalupaypay mo ang barko ng taglamig,
Upang maging hugis na nililok ng pag-ibig sa gitara

O irog, o rosas na binasa ng mga sirena’t bula
Apoy na mananayaw na umakyat sa di-makitang hagdan,
Upang gisingin ang dugo sa yungib ng pagkamulat,

Upang mabuo ng mga alon ang kanilang sarili sa langit,
Kinalimutan ng dagat ang kanyang mga pasan at poot,
At nahulog ang mundo sa lambat ng kadiliman.

6.23.2005

Awit sa Isang Hubad na Kagandahan

Busilak ang aking puso’t dalisay ang aking mata
Ipinaghahanda kita, aking mahal
Pinipigil ang aking dugo
Upang ang linya
Ay sumulong at sundin
Ang iyong hugis,
At ika’y pinatulog ng aking tula,
Tulad ng gubat, o bula ng alon,
Pabango ng lupa,
Himig ng dagat.

Kagandahang hubad,
Ito man ang iyong mga paa, pinahila
Ng malamang haplos
Ng himig at hangin,
O ang iyong mga tenga,
Mga maliliit na butil
Mula sa marangal na karagatan ng america.
Ang iyong dibdib,
Kapwa malusog, pinaaagos
Ng buhay na liwanag,
At, oo,
May pakpak
Ang iyong pilikmata ng buhok mais
Na pina
O kinukubli
And kambal mong mga mata.

And hugis ng iyong likuran
Na naghihiwalay
Ay umaagos sa mga mapuputing sulok
At umuusbong muli
Doon sa malambot na kabilugan
Ng iyong mansanas,
At pinaghiwalay
Ng iyong kagandahan
Ng dalawang haligi
Ng pinag-apoy na ginto,
Upang muling mawala sa kambal na mga paa,
Kung saan, muli, ay pinagliyab
Ang puno ng iyong hubog:
Bulaklak ng apoy, bukas na kabilugan ng mga kandila, isang bungangkahoy na pinausbong
Mula sa pagtatagpo ng lupa’t dagat.

Ang katawan mo—mula kung saan
Tainga ng trigo,
Ay umagos, inipon ba,
Umalsa tulad ng tinapay
Sa init,
At ang mga burol na
Pinapilak,
Ng isang talutot, katamisan
Ng kalalilaman,
Hanggang ang dalisay na hugis ng babae
Pinakapal
At namahinga dito?

Hindi dahil sa pinagliwanag
Ang mundo
Pinahaba ng iyong katawan
Ang nakasasakal na niyebe,
Hanggang ang liwanag, na pumaligo sa iyo,
Na parang ika’y
Pinag-aapoy sa loob.

6.22.2005

Iwanan mo ako ng yungib sa lupa

Iwanan mo ako ng yungib sa lupa,
Na maari kong puntahan, kung nais kong tumungo,
Walang paningin, walang pakiramdam,
Sa kawalan, sa mga bato,
O sa mga daliri ng anino

Alam kong wala, ni sino o ano, ang makakapaghatid sa akin doon,
Ngunit ano ang magagawa ko sa aking nararamdaman,
Kung hindi ko ito magamit sa araw-araw,
Kung hindi ako makakita ng kaligtasan,
Liban sa aking kamatayan,
At tumungong aandap-andap
Sa sinaunang apoy?

5.04.2005

Hubad, ika’y tunay, tulad ng isa sa iyong mga kamay

Hubad, ika’y tunay, tulad ng isa sa iyong mga kamay,
Maliksi, makalupa, munti, ganap, malinaw
May umbok ng buwan, at mga daang gubat,
Hubad ika’y balingkinitan tulad ng hubad na mais.

Hubad ika’y bughaw tulad ng mga gabi sa Cuba,
May palamuti’t bituin sa iyong buhok,
Hubad ika’y malawak at kayumanggi
Tulad ng tag-init sa kapilya nitong ginto

Hubad ika’y munti tulad ng dulo ng iyong daliri,
Mahubog, namumula hanggang dumungaw ang liwanag,
At tumungo ka sa mga lihim na daigdig.
Wari’y sa isang malalim na hukay ng mga damit at gawa;
Pinipigil, sinusugpo, pinapapayak, ng iyong liwanag ang kanyang sarili,
Upang, sa muli, ay maging isang hubad na kamay.

4.20.2005

Ang Malawak na Karagatan

Karagatan, kung ipagkakaloob mo, ang sukat, ang asim, ang bunga
Ng iyong biyaya't kamatayan, sa akin,
Pipiliin ko ang iyong pahinga, ang hugis mong bakal,
Ang palabantay mong patlang ng hangin at dilim,
At ang lakas ng iyong dilang puti,
Na bumabasag at gumigiba ng mga haligi
Dinururog tungo sa iyong tumpak na kadalisayan.

Hindi ang huling pagharang, pinabigat ng tubig-dagat,
Na humahampas sa laot, at lumikha sa katahimikan ng buhangin, na
kumukubkob sa mundo,
Ngunit ang mga puwang ng dahas,
Ang hubad na kapangyarihan ng tubig,
Ang di-matinag na pag-iisa, siksik-liglig sa buhay.
Marahil ito ang Panahon, o ang sisidlang puno ng pagkilos, dalisay ang
pagiging isa,
Na di madampian ng kamatayan, ang malaman na luntian ng nangangalit na
kaganapan.

Tanging maalat na halik ang nanatili na lamang sa nalunod na bisig,
Na nagdilig: isang mainit na halimuyak
Ng mamasa-masang bulaklak, ang naiwan sa mga katawan ng tao. Ang iyong lakas
Ang nagbuo, sa pamamagitan ng di nagugol na patak,
Binuo, at umurong sa katahimikan.

Ang rumaragasang alon,
Balantok ng pagkakilanlan, bumasag ng mga balahibo,
ay isa lamang bula kapag luminaw,
at buo pa ring nagbalik sa kanyang pinagmulan.

Ang iyong lakas ay bumalik sa pinagmulan,
Ang mga bunot na sinala
Ay ang mga dinurog, hinablot, hinatid,
Na pinalayas ng iyong kasaganaan,
Lahat ng humuhugot ng buhay sa iyong mga sanga.

Lumalampas ang iyong hugis sa mga dinding,
Buhay, maindayog, tulad ng dibdib, binabalot
Ang isang nilalang, at kanyang paghinga,
Na ini-aangat sa nilalaman ng liwanag,
Mga kapatagang lampas pa sa mga alon
Ang nagbuo ng hubad na mukha ng lupa.

Pinunuan mo ang iyong tunay na sarili ng kalamnan.
Umaapaw ka sa katahimikan.

Nanginig ang sisidlan sa iyong alat at tamis,
Ang pandaigdigang yungib ng mga tubig,
At walang nawala sa iyo, tulad ng mapanglaw na yungib, o ang look ng
isang burol,
Yaong hungkag na mga lupain, hudyat, balat,
Na nagbabantay ng sugatang hangin.

Ang mga talutot mong tumitibok sa lupa,
Pinanginginig ang tubigan mong ani,
Ang bulang pinalapot ng iyong panganib,
Na pinapintig at dinudumog ng mga isda
At ang sinulid lamang ng lambat ang nag-angat
Ng patay na kidlat ng kaliskis,
Isang sugatang munti, sa puwang
Ng iyong babasaging kaganapan.



4.19.2005

Nang mawala ako sa gubat, pumutol ako ng sanga

Nang mawala ako sa gubat, pumutol ako ng sanga
At sa uhaw ko’y idinampi ko ito sa aking labi:
Marahil ay ang hikbi ng ulan,
Isang warak na kampana, o basag na puso.

Dumating sa akin, mula sa kalayuan,
Nakakubli’t itinago ng lupa,
Isang sigaw, ginapi ng walang-katapusang taglagas,
Ng mga kinubling hamog sa mga maaninong dahon.

Ngunit nang magising ako sa aking panaginip,
Umawit ang sangang iyon sa ilalim ng aking dila,
At pumailanlang sa aking isipan ang kanyang samyo

Para bang hinalughog ako ng mga ugat kong tinalikuran, ang mga nawalay na alaala ng aking kabataan,
at pinigilan ako, sinugatan ng pumailanlang na halimuyak

4.18.2005

Pabula ng Sirena’t mga Lasing

Nandoon lahat ng mga lalaking iyon
Ng dumating siyang hubad.
Nag-iinuman sila: nagsimula silang dumura.
Kagagaling lang niya sa ilog, wala siyang alam.
Isa siyang sirenang naligaw.
Kumapit ang mga panglalait sa kanyang balat.
Nilunod ng kahalayan ang kanyang dibdib.
Dahil di niya alam ang luha, hindi siya lumuha.
Dahil di niya alam ang damit, hindi siya nanamit.
Pinagpapaso siya ng upos ng sigarilyo
At napahalakhak sila sa loob ng bahay-inuman,
Hindi siya nagsalita dahil wala siyang wika.
Kulay ng nawalay na pag-ibig ang kanyang mga mata,
Mga bisig niya's gawa sa topaz.
Tahimik na gumalaw ang kanyang mga labi sa ilalim ng liwanag,
At bigla'y umalis siya sa silid na iyon,
Kumikinang na parang puting batong naulanan,
At walang palingon-lingo'y lumangoy siyang muli,
lumangoy tungo sa kawalan, lumangoy tungo sa kamatayan.

Sinong nagnasa sa isa’t isa tulad natin

Sinong nagnasa sa isa't isa tulad natin? Hanapin natin ang mga abo ng
mga pusong nagliyab,
At sa pook na iyon ay pagdampian ang ating mga labi
Hanggang ang mga bulaklak ay umusbong doon.

Mahalin natin ang Pagnanasang lumamon ng sariling bunga at nailibing,
katangian at kapangyarihan, sa lupa:
Tayo ang tagapagpatuloy na liwanag,
Ang di-mawaksi't marupok na butil.

Ang Pagnanasang iyon, nilibing sa lamig ng panahon,
Ng niyebe't tagsibol, kawalan at taglagas,
Ay inilawan ang panibagong liwanag ng bunga,
Na ininlantad ng kasariwaan ang mahiwagang sugat,
Tulad ng lumang Pagnanasa na naglalakbay ng tahimik
Sa ilalim ng walang hanggan bibig.

Maisusulat ko ang pinakamalungkot na tula ngayong gabi

Maisusulat ko ang pinakamalungkot na tula ngayong gabi
Katulad nito: ang gabi’y hinati
Nanginig sila, bughaw, iyong mga bituin, sa kalayuan, umiihip ang hangin ng gabi at humuhuni

Maisusulat ko ang pinakamalungkot na tula ngayong gabi.
Mahal ko siya, minsa’y mahal niya ako.

Sa gabing tulad nito’y akap-akap ko siya,
At aking hinalikan sa ilalim ng walang-katapusang langit.

Minahal niya ako, at minsa’y minahal ko siya.
Paano ko hindi iibigin ang kanyang tahimik na mga mata.

Maisusulat ko ang pinakamalungkot na tula ngayong gabi.
Pagkat wala siya sa akin, at nawala ko siyang muli.

Pakinggan ang malawag na gabi, lalong pinalawak ng kanyang kawalan,
Tulad ng damo’y pinahamog ang kaluluwa.

Ano ngayong kung hindi ko siya mapanatili.
Ang gabi’y hinati at wala siya sa akin.

Iyon lang. Sa malayo’y may umawit. Sa malayo,
Hindi matatahimik ang aking kaluluwa sa kanyang pagkawala.

Wari’y maabot siya, hinahabol siya ng aking paningin.
Hinahanap siya ng aking puso: wala siya sa akin.

Ang gabing iyon ay pinaputla, sa iisang sanga,
Kami, mula ng oras na iyon, ay di na magkatulad.

Hindi ko siya mahal, tiyak iyon, ngunit iniibig ko siya.

Muli, irog, ay pinawi ng liwanag

Muli, irog, ay pinawi ng liwanag
Ang hanapbuhay, ang mga gulong, liyab, pagkabagot at pamamaalam,
At binigay natin ang sumasayaw na trigo,
Ang trigong hinablot ng tanghali mula sa lupa’t liwanag
Nag-iisa ang buwan sa gitna ng pahina
Pinagtitibay ang pundasyon ng langit,
At binawi ng silid ang kabagalan ng ginto,
At ang mga kamay mo’y nagparoo’t parito sa paghahanda ng dilim

O irog, o gabi.
O kupolang kinubkob ng ilog
Ng di madurog na tubig sa anino ng langit,
Na nagtaas at lumunod sa kanyang mga mata,

Hanggang sa tayo na lamang ang dilim
Isang baso kung saan nahulog ang abo ng kalangitan
Isang patak sa agos ng isang malawak, mabagal na ilog.

(Salin ng Cien Sonetos de Amor ni Neruda)

4.17.2005

Ang Muling Pagbabalik

Pumaimbulog ang buhawi
Hindi marinig ng lawin ang kanyang amo
Lahat ay bumabagsak;
Hindi makayang hanguin ng gitna
Anarkiya’y kumawala
Kulay dugo ang along umalpas
At ang lahat ng dako’y
Nilunod ng ritwal ng kawalang-malay;
Hinubaran ng pagpapasiya ang pinakamagaling
Habang ang pinakamasama’y tigib ng nasa.

.

Marahil ay nalalapit na ang liwanag
Marahil ay malapit na ang muling pagbabalik.

Ang muling pagbabalik!
Itong kataga’y kailan ko lang nabanggit
Nang ang isang kakilakilabot na panginorin
Mula sa Spiritus Mundi
Ang bumagabag sa aking paningin:
Sa mga disyerto’y isang may ulong tao’t katawang leon
Nanlilisik ang mata’t
Dahan-dahang humahakbang
Habang sa dako pa roo’y
Aninag ang mga anino ng malulupit na buwitre.
Muling namayani ang dilim; ngunit ngayo’y alam kong
Ang dalawampung siglo ng pag-idlip
Ay ginambala ng bangungot sa duyan,
At anong halimaw na ang kapanahuna’y dumating
Ang naglalakbay tungong bethlehem upang isilang?

(salin ng The Second Coming ni W. B. Yeats)